“There is something I
learned in my life. You can never know when happiness is coming. But you can
tell when sadness is about to come.” - Seo Yi-Soo.
Isa lamang ito sa mga linyang tumatak sa aking
puso at isipan sa Korean Novela na “The Gentleman’s Dignity” sa direksyon ni SHIN
WOO-CHUL. Ipinapakita ng pelikulang ito ang iba’t ibang karakter ng apat na
magkakaibigan mula sa kanilang kabataan hanggang sa tumuntong sa edad na
kwarenta. Ang kanilang karanasan pagdating sa pag-ibig,tagumpay at pagkabigo.
Si Kim Do Jin (Jang Dong Gun) ay isang
supladong nagmamay-ari ng isang architectural firm kasosyo ang isa sa kanyang
matalik na kaibigang si Im Tae-San (Kim Soo-ro). Si Kim Do Jin ay may problema
pagdating sa pagkawala ng kanyang ala-ala. Araw araw ay gumagamit siya ng voice
recorder pen upang maalala niya ang ilang importanteng bagay na kanyang
ginagawa. Nang makilala niya si Seo-Yi-soo (Kim Ha-Neul) – isang Ethics teacher
ay umibig sya rito. Ngunit, sa hindi inaasahan ay nalaman niyang may gusto ito
sa kanyang kaibigang si Im Tae-San. Ginawa niya ang lahat upang makuha ang puso
ni Seo Yi-Soo. Si im Tae-San ay kasintahan ni Hong Sera (Yoon Se-Ah) at
roommate ni Seo Yi-Soo. Nagkaroon ng alitan ang dalawa nang malaman ni Hong
Sera na may gusto si Seo Yi-Soo kay Im Tae-San. Samantalang si Choi Yoon (Kim
Min Jong) ay isang abogadong nais makalimot sa pagkamatay ng kanyang asawa.
Pinipilit niyang huwag mahulog sa nakababatang kapatid ni Im Tae-San na si Im
Meari alang-alang sa kanilang pagkakaibigan. Si Im Meari ay bumalik ng Korea
pagkatapos mag-aral sa America ng bag designing. Matagal ng may gusto si Im
Meari kay Choi Yoon kahit pinagbabawalan siya ng kanyang kuya at sinasabing
bata pa siya para kay Choi Yoon. At si Lee Jung-Rok (Lee Jong-Hyuk) ay kasal sa kanyang mayaman
at napakaistriktang asawang si Park Min Sook (Kim Jung Nan). Ngunit, si Lee
Jung Rok ay may pagkababaero na naging dahilan ng madalas nilang pag-aaway at
sumubok sa tiwala nila bilang mag-asawa. At sa hindi inaasahan, isang binatang
nagngangalang Colin (Lee Jong-Hyun) ang bumalik sa Korea upang hanapin ang
kanyang ama. Batid niyang isa sa apat na magkakaibigan ang kanyang tunay na
ama.
Sa bawat pagganap ng tauhan, lubos ko
silang hinahangaan sa kadahilanang kayang-kaya nilang kontrolin ang mga
emosyong dapat mangibabaw sa kanila sa bawat eksena. Angkop rin ang mga tagpuang
ginagalawan nila sa pelikula.
Nilapatan din ito ng ilang musika na
angkop sa bawat eksena tulad ng nakakalungkot,nakakakilig,nakakatawa at iba pa.
Nakatulong ang mga musikang ito upang lumutang ang mga damdamin tungkol sa
pelikula. Talaga namang kinilig ako sa kanilang kwentong pag-ibig. Kahit sila
ay mga tauhang may malaking pinagkaiba sa mga gumaganap na mga kabataan.
Nakadadala rin ang pagpatak ng kanilang mga luha sa oras ng kanilang pagkabigo.
Ngunit, napapalitan din ng saya sa mga eksenang sadyang katuwa-tuwa. Pagdating
naman sa dayalog ng mga tauhan, malaking tulong ang naibibigay ng English at
Tagalog translation upang mas maunawaan pa ang mensahe nito.
Maraming aral ang makukuha sa pelikulang
ito. Kung paano harapin ang bawat problema. Kung paano bumuo ng tunay na pagtitiwala.
Kung paano abutin ang mga pangarap sa maraming paraan. Kung paano bumangon sa
likod ng mga kabiguan. At kung paano magmahal ng may paninindigan.
Ang pelikulang ito ay para sa lahat. Para
sa mga taong nais matutong manindigan at magtiwala. Talaga namang hindi
matatawaran ang Korean Novela na ito para sa akin. Isa itong makabuluhang
palabas. Mahusay ang pagkagawa nito at angkop rin ang mga kilos at tauhang
nagsipagganap.
“On
that day, we couldn’t reach the conclusion whose hero is the strongest. And
today when we are 41 years old, we can protect neither the Earth nor the women
we love. We are now just the anti-heroic men, struggling with everyday life.
Those boys who wanted to become heroes… where did they all go? Whose heroes can
we become at the end?”- Do Jin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento