Mga Pahina

Linggo, Marso 9, 2014

Pagsusuri ng Akda: “A Letter for my Daughter” -Vangie Provido

“Becca, stop treating your dad like that. Mamaya magsisi ka pag nawala na siya sayo.” – Andrei.
Isa sa mga linya sa akdang “A Letter for my Daughter” sa panulat ni ALYLOONY na nagpapaalala sa atin na nararapat bigyang halaga ang ating magulang. Ang akdang ito ay tungkol sa walang hanggang pagmamahal ng isang ama at pagtanggap sa isang tao ano man ang kanyang katayuan sa buhay. Kung paano magbigay at mabigyan ng importansya mula sa iba.
       Araw-araw na lamang ay inis sa kanyang buhay si Becca. Dalawa na lamang sila ng kanyang ama. Lagi pa itong wala sa kanila dahil lagi nitong inaatupag ang trabaho. Lagi itong nagagalit dahil hindi maibigay ng ama ang kanyang mga luho. Madalas umuwi ng hatinggabi ang kanyang ama. Kumakatok sa kanyang silid at nagsasign-language. Kung minsan ay nasisigawan niya ito sa kadahilanang hindi niya ito maintindihan at naiistorbo ang kanyang pagtulog. Walang balak si Becca na intindihin ang kanyang ama. Kada umaga, nadadatnan niya ang kanyang ama sa hapag-kainan habang nagsusulat sa kanyang notebook. “Wala na nga akong matinong tatay, wala pa akong matinong pagkain”, minsa’y nasambit pa ni Becca. Nakararamdam siya ng inggit sa kanyang mga kamag-aral. Bagama’t nasa magandang paaralan siya, wala naman siyang gamit na kasingganda ng mga gamit ng kanyang kaklase. Minsa’y pumasok na rin sa isip niyang magpa-ampon na lamang sa iba. Isang araw ay nagpabili siya ng laptop sa kanyang ama. Sumulat ang kanyang ama sa notebook nito, “Sorry anak, wala pang pera si daddy eh”. Sagot niya’y inaabot ito ng magdamag sa trabaho pagkatapos ay walang pera. Dito na nag-umpisang masabihan ng masasakit na salita ni Becca ang 
kanyang ama. Halos isang buwan niyang hindi ito pinansin. Madalas lamang itong magsulat sa kanyang notebook. Ginagawa pa rin niya ang kanyang nakasanayan na halikan ang noo ng kanyang anak tuwing siya’y uuwi. Nagkaroon si Becca ng isang mayaman ngunit may pagkabastos na kasintahan. Si Andrei. Lahat ng kanyang luho ay naibibigay nito maging ang hiling niyang laptop sa kanyang ama. Pumunta sila sa bahay ni Becca. Wala namang tao roon katwiran ng dalaga ng tanungin ng kanyang kasintahan. Ngunit laking gulat niya na maagang umuwi ang kanyang ama. Sinabi nitong siya kasi’y nilalagnat. Ipinakilala niya si Andrei, “Nice meeting you po”. “Pipe yan! Hindi ka masasagot niyan” tugon ni Becca. Paakyat sila ng kwarto nang magsign-language ang kanyang ama. Sinabi ni Andrei na tinatanong sila kung anong gagawin nila sa kwarto. Laking gulat ni Becca nang maintindihan ni Andrei ang kanyang ama. Inirapan lamang niya ito at hinila paakyat si Andrei. Batid ni Andrei na ayaw ng ama ni Becca ang mangyayari. Ngunit sinabi ni Becca na siya na lamang ang kaligayan nito. Pagkagising ay nakokonsensya si Andrei dahil narinig niyang umiiyak ang ama ni Becca. Ngunit, sinabi niyang wala siyang pakialam sa nararamdaman ng ama. Natahimik na lamang si Becca sa sinabi ni Andrei. Pebrero na at magkakaroon ng JS Prom. Masayang niyakap ni Becca ang kanyang ama dahil may pera ito at maibibili siya ng magandang damit. Kinabukasan, agad-agad siyang bumaba. Napansin niyang nagsusulat ang kanyang ama na may pasa at sugat sa mukha. Hinanap niya ang damit, ngumiti ang kanyang ama at inilabas ito. Nagalit si Becca dahil hindi iyon ang damit na gusto niya. “Wala kang kwentang ama!”, “Lagi mo nalang akong pinapaasa”. Sa pagkakataong iyon ay ngayon lamang siya napagbuhatan ng kamay ng kanyang ama. Napahawak sa pisngi habang umiiyak. Tumakbo palabas si Becca, nang may isang kotseng papalapit sa kanya at siya’y napapikit. Sa hindi inaasahan, may kamay na tumulak sa kanya palayo. Nakita niya ang kotseng bumangga sa poste at ang duguan niyang ama. Dead on arrival na ito ng dalhin sa ospital. Naisip niya na napakabilis ng mga pangyayari, kanina lamang ay nakaupo ang kanyang ama sa hapag-kainan. Nagulat siya ng Makita niya ang pangalan niya sa notebook ng ama.
       “Dear Becca,
Nung ipinanganak ka ng mommy mo, ako na ang pinakamasayang lalaki sa mundo. Nakakalungkot isipin na iniwan tayo agad ng mommy mo dahil sa panganganak niya sayo. Pero ipinangako ko sa kanya na aalagaan kita kahit anong mangyari. Alam mo ba na kamukhang kamukha mo siya?. Pareho kayaong may magandang ngiti at mata. Kaya naman natutuwa talaga ako kada makikita kitang ngumingiti at masaya.
Anak, mahal na mahal ka ni daddy. Alam ko na nagtatampo ka sakin dahil hindi kita halos nakakasama. Kailangan ko kasi talagang magtrabaho maigi eh. Sa araw, nandun ako sa construction site at nagtratrabaho bilang construction worker. Sa gabi naman bilang isang security guard ng banko. Pasensya kana ha? Kailangan kong gawin to para mapagtapos kita ng pag-aaral sa isang magandang iskwelahan. Pero anak, wag mo sanang isipin na kinalimutan na kita kasi mahal na mhal na mahal kita. Gabi gabi ko yan sinasabi sayo. Kada uuwi ako, ginigising kita para lang sabihin sayo kung gaano kita kamhal. Nakakalungkot lang at hindi mo ako maintindihan. Sana hindi nalang ako naging pipe para masabi ko ito sayo araw araw.
Anak patawarin mo ko dahil hindi ko nabili yung laptop na hinihiling mo sakin ha? Walang pera si daddy eh. Di bale mas hahabaan ko ang oras ng trabaho ko para maibili kita ng laptop. Ok lang magkasakit ako anak, mapasaya lang kita.
Anak naibili ka na pala ng boyfriend mo ng laptop. Di bale mas maganda naman yung mabibili niya doon sa pera niya. Itatago ko na lang itong perang naipon ko baka sakaling may ipabili ka, maibigay ko na sayo. Natutuwa din ako at nakahanap ka ng lalaking mamahalin mo. At least bukod sakin, may magbabantay na sayo.
Anak bakit mo ginawa ang bagay na yun? Masyado ka pang bata. Natatakot ako na baka mamaya mabuntis ka. Sa kabilang banda naiinis ako sa sarili ko dahil simpleng salita na wag mong gawin yan ay hindi ko masabi sayo dahil sa pipe ako. Patawad anak. Alam ko pag may nangyari sayo ako ang may kasalanan. Patawad.
Anak natutuwa ako dahil masaya ka ngayon. Maibibili kita ng damit na gusto mo galing sa naipon kong pera. Salamat anak at niyakap mo ako kanina. Tuwang tuwa ako nun. Mahal na mhal ka ni daddy.
Anak patawarin mo ako dahil hindi ko nabili yung damit na gusto mo. Nahold-up ako. Nagmakaawa ako at nanlaban sa mga holdaper para hindi nila makuha yung pera ko na pambili ng damit mo kaso ginulpi lang nila ako. Wala silang puso. Umiyak ako sa harap nila pero kinuha pa rin nila ang pera ko. Patawarin mo ako anak at eto lang ang nabili ko. Nangutang lang ako para marentahan ang damit na ito. Alam ko magtatampo ka sa akin pero anak sana patawarin mo ako. Mahal na mhal ka ni daddy.”
Halos hindi na mabasa ang ibang sulat dahil sa patak ng luha ni Becca. Doon ay napagtanto niya kung bakit hindi niya ibinalik at ipinakita ang pagmamahal sa ama matapos ang lahat ng bagay na ginawa nito para sa kanya.
Talaga namang lutang ang malungkot na damdamin sa akdang ito. Habang ginagawa ko ang pagsusuring ito ay hindi ko napigilang hindi lumuha. Nakaaantig ang mga nilalaman nito.
Maraming aral ang mapupulot dito. Dapat tayong matutong magpahalaga sa mga taong nagmamahal at nag-aalaga sa atin. Hindi natin masusukat sa mga materyal na bagay ang kagandahan ng buhay. Hindi dapat natin tingnan ang kakulangan ng isang tao bagkus ay ang mga magagandang bagay na naibabahagi niya sa atin. Dapat din nating matutunan kung paano magtimbang ng bawat desisyon. Pahalagahan natin ang mga bagay na mayroon tayo maliit man o malaki.
Gayun pa man, nais kong magpasalamat sa may akda nito (Alyloony) isa itong makabuluhan at magandang akda na siyang magmumulat sa bawat isip at puso ng kabataan. Ang akdang ito ay para sa lahat upang mamulat tayo sa katotohanan. Upang bigyan natin ng puwang sa ating puso at isipan ang salitang “Pagpapahalaga”.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento